Sanaysay na Naglalarawan

I wrote this essay a long time ago, during my high school. It was a requirement in my Filipino subject  where we were asked to write a “sanaysay na naglalarawan” or descriptive essay in a very detailed manner. And so I chose someone in my school which I think was very unique in some sense: my Values Education teacher. But I might have used too much exaggeration at some of her aspects! I hope it’s still good though.

SI MA’AM, ANG IDOLO KO

Unang araw ng pasukan sa ikatlong taon ng aking pag-aaral. Sa mga bawat segundong pumapatak, ay kapalit ang tuwang hindi maikubli dili baga sa muling kong pagkakita sa aking mga dating kaklase, at pati na rin sa ang aking mga naging guro, na tila walang pagbabagong nangyari, at higit sa lahat ay nasa mabuti pa ring kalagayan. Sa aking pag-mumunimuni sa aking mga maliligyang alaala sa kanila, may natanaw akong parang kilalang mukha. Biglang tumalon sa tuwa ang aking pusong punong-puno ng pananabik sa hindi maipaliwanag na pangyayari, kaya nama’t tinulinan ko ang bilis ng aking mga hakbang sa pagtataka. Makailan ng ilang layo, tuluyan akong napahinto at napagilalas. Ah! Siya pala!

Nais kong humalakhak, ngunit dahil sa nangingibabaw na hiya sa aking kalooban, pinagmasdan ko na lamang siya ng maiigi na para bang ako’y naghahanap ng kahit katiting na pagbabago sa kanyang panlabas na kaanyuan. Ganoon pa rin naman siya, sa aking tantya, ay may kulang sa lima’t kalahating talampakan, na masasabi nating katamtamang taas ng isang Pilipina. At tila baga hindi niya sinamantala ang bakasyon para man lang magpakabusog, sapagkat hayan pa rin ang kanyang may bahagyang kapayatan na pangangatawan. Nang aking mamalas ang kanyang paglalakad sa kalayuan, para akong nakakita ng bibe sa daan, sapagkat kung iyong pagninilay-nilayan, tila nauuna ang kanyang ulo sa katawan. Dahil dito, ay parang may namumuong munting bundok sa kanyang likuran, o kuba sa madaling salita, ngunit hindi naman talaga kalakihan kumpara sa pangkaraniwan. Ayon sa kanyang pagsasalaysay dati, bunga raw ito ng kanyang masidhing pagtatago sa kanyang maliit na dibdib na tila kapatagan, kaya naman ito’y kanyang ikinahihiya, buhat pa sa simula ng kanyang pagdadalaga. At nang makaharap ko na siya, ay hindi ko napigilan ang aking sarili na tumingin sa bandang baba, at napansin kong tila magkapatid na nagkagalit ang kanyang dalawang paa, dahil sa kaylayo ng agwat nito sa isa’t isa.

Nang maipukol ko naman ang aking pansin sa kanyang mukha, tila nakakita ako ng bagong pitas na manggang pikong nakabitin sa leeg ng isang gansa, kung saan ang dulong bahagi ay nakagitna. At hindi ka naman talaga makatatangi sapagkat, ang kanyang baba naman ay tunay na ibinaligtad na perpektong Bulkang Mayon, dahil ito ay may bahagyang katulisan. At pangalawa, ito ay sa kadahilanang maigsi ang kanyang gupit, kaya lalo lamang nahahalata ang kanyang leeg na tila tayuan ng isang mababang bentilador. Sa kanya namang pagtawa at pagngiti, ay tila hinihipan ang kanyang mga malalobong pisngi na hindi kailanmang mapuputok sa kapal nito, at ang kanyang ilong naman ay may katangusan na tila kalahating bundok na may magkabilang kuweba kung saan kung ikaw man ay mapasok, ay hindi ka na makalalabas sa dilim.

Napapaibabawan naman ang kanyang ulo ng manipis na buhok, na ang hugis ay maihahalintulad sa magkakasunod na alon sa dalampasigan, ngunit kasing-itim naman ng kalawakan sa gabi. Iyo ngang mapapansin na tila ito’y bagong kasusuyod na bukirin, sapagkat makikita mo ang mga dinaanan ng suklay na tila mukha pang mamasamasa. At kung naisin mo namang hipuin ang kanyang kutis, tila nakahipo ka ng mansanas, dahil tunay naman talagang ito’y napakakinis na tila walang buhok ni bahid ng sugat. Ang kulay naman nito ay maihahambing sa mainit na tsokolateng batirol na tinimplahan ng kaunting gatas, na pantay ang pagkakakulay nito sa kanyang buong katawan.

Hanggang sa malayo papalapit, ay nakapukol na sa akin na tila ako ang target sa barilan, ng kanyang mga matang bilugang nagrerepleksyon ng maaliwalas na gabing naniningningan ng mga bituin, na punong-puno ng kasiyahan at mainit na pagtanggap. Lalo lamang nagbibigay kislap ang kanyang mga pilik-matang umaandap-andap na maihahalintulad sa pagaspas ng mga pakpak ng paruparo, at pati na rin ang makakapal niyang kilay na hubog bahaghari ay nakikisabay sa pangungusap ng kanyang mga mata. Ang kanyang labi naman na hugis murang dahon ng punong nara, at simpula ng bagong kabubukadkad na rosas, ay para bagang nagtatago ng mga nahihiyang biloy sa magkabila nito, na hindi naman maikubli sa twina siya ay nagsasalita. Nagbigay ito ng pinakamatamis niyang ngiti, at natunaw ako sa galak sapagkat alam kong ang mensahe nito ay isang pagbati ng maligayang araw. At napatawa ako ng bahagya, hindi dahil sa mukhang katawa-tawa ang kanyang mukha, ngunit dahil ang ngiting ito’y tila nangangarap na maabot ang kanyang magkabilang tainga.

Kung hindi nga lamang sa kanyang disposisyon ay naimamali ko siya minsan sa mga gulang dalawampu’t lima, bagaman nahahalata na rin sa kanya ang unti-unting marka ng paggulang sa tatlumpu. Sa tuwina ay bangag ang kanyang pananalita, sapagkat ito ay may kabilisan na pawang armalite na hindi nauubusan ng bala, at laging sinasabayan naman ito ng kanyang malakas na boses na tila nakalulon siya ng mikropono, na sadya namang pinuno ng sangkaterbang baterya, dahilan umano sa masiyahin niyang ugali. Kaya naman siya ay lapitin ng mga estudyante, at kahit ako man ay natutuwa sa kanya at hindi ko mapigilang tumawa sa kanyang mga simpleng biro sa tuwing siya ay nariyan, sapagkat ito ay halos dahil sa kanyang kakaibang pagkilos at interpretasyon. Kaya naman sa muli naming pagkikita ni Binibining Florides Anda, ay alam kong tumpak pa sa simula pa lamang na siya nga iyon. Magbago man siya o hindi, walang makalilimot sa kanyang pamosong hitsura na tunay namang akma sa kanyang ugali at pagkilos.

4 comments
  1. Emel said:

    Thank you for the essay. Post more, because many needed it. God Bless!

    • bcbgarcia said:

      Thank you for the comment!

  2. katrina said:

    so nice. :)) Godbless and more powers!

    • bcbgarcia said:

      Thank you!

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: