Kaya Mo Ba Akong Mahalin

This is a summary or a reaction paper of the short story “Kaya mo ba aking Mahalin?” by Perry Mangilaya, published in Liwayway Magazine (February 9, 2004).

KAYA MO BA AKONG MAHALIN?
ni Perry Mangilaya (Liwayway)

Ang maikling kwentong ito ay naglalaman ng isang tunay na tapat na pag-ibig, na sa gitna ng anumang nakaraan ng ating minamahal, handa natin silang mahalin at tanggapin.

Nagsisimula ang kwento, kung saan si Anton na kasalukuyang nag-aayos ng kanyang saka ay natanaw si Lea, na naghahatid ng pananghalian sa kanyang ama na si Mang Doming patungo sa kanyang sinasaka. Binalaan niya na mapanganib na tumawid sa gayong bagong gawang pilapil, ngunit dahil mapilit, ay nagpatuloy pa rin kahit na nalubog ang kanyang paa sa putik. Habang patungo sa ama, ay pinagmasdan ni Anton ang kagandahan at hinangaan ang kanyang magandang pangangatawan.

Hindi niya napansin na siya pala ay tinatawag niya, inaayang mananghali kasama si Mang Doming. Wala na rin siyang magawa kundi ang makisabay, dahil wala siyang raratnan na pananghalian sa kanyang bahay. Nakaramdam ng kasiyahan si Anton, dili baga dahil paanyaya ni Lea.

Naging masaya ang pananghalian niya kay Mang Doming at pinag-usapan nila ang ani. Pagkapaalam ni Lea, pinag-usapan nila si Lea, ang di pag-aasawa ni Lea sa kabila ng kanyang pagtanda. Kahit man si Anton ay hindi pa rin nag-aasawa, kaya nais ni Mang Doming na sila ang magkatuluyan. Ngunit nais pa raw ni Lea na mamasukan sa Maynila, kaya talagang hindi maintindihan ni Mang Doming ang kanyang anak. Kaya kung sinumang naisin ni Lea na mapangasawa, hindi na sila tututol pang mag-asawa. Nakikisabay na lamang sa kwentuhan si Anton, kahit na sa loob ay nasisiyahan na naguguluhan.

Dahil sa hindi mapakali ang loob ni Anton ay nagtapat din siya kay Lea. Ngunit hindi pa rin siya sinasagot, at tila itutuloy ang pag-alis nito patungong Maynila. Sinubukang pigilan ni Anton si Lea, ngunit nagalit ito sa kanya. Bigla-bigla, ay may ipinagtapat na lihim si Lea sa kanya, habang nangingilid ang mga luha sa kanyang mga mata.

Dati nang umibig si Lea sa isang seaman. Nangako itong pakakasalan si Lea anumang mangyari, ngunit sa huli rin ay binigo ang pangako sa kanya, at nakipaghiwalay. Tinanong niya ngayon si Anton na matatanggap pa kaya niya siya dahil sa kanyang nakaraan. Walang masambit si Anton.

Malubhang nasaktan si Anton, na kahit masagana ang kanyang ani, ay hindi iyon naging sapat upang siya’y sumaya. At dumating ang malakas na ulan kagabihan, kaya naman pinasyal niya ang bukirin ng kaumagahan. Nakita niyang nasira ang pilapil ni Mang Doming. Kaya naman dali-dali niya itong inayos upang hindi masira ang ani.

At napag-isipan ni Anton na ipagtapat ang kanyang tunay na nararamdaman kay Lea, na sa kabila ng kanyang mapait na nakaraan, ay handa niya siyang tanggapin at mahalin.

Si Anton, na isa sa mga pangunahing bida, ay isang binata pa rin sa kanyang trenta’y tres na edad. Maginoo, maunawain, at masipag sa trabaho, kaya naman nais ni Mang Doming na pakasalan siya ni Lea. Ngunit sa gitna ng mga papuri ni Mang Doming, natuto siyang magpakababa ng loob. At naging tapat at totoo ang kanyang pag-ibig kay Lea, handa niya siyang tanggapin anupaman ang kanyang nakaraan. Isa siyang tunay na modelong ginoo, tapat at totoo.

Si Lea naman, na isa rin sa mga pangunahing bida, ay dalaga pa rin sa kanyang trentang edad. Marami ang humahanga sa kanyang kagandahan, ngunit wala siyang pakialam dito. Ngunit di hamak na may pagtingin siya kay Anton, hindi nga lamang niya ipinahahalata. At makikita sa kanya na lubha siyang nasaktan sa kanyang unang nabigong pag-ibig, na nakaapekto ito ng tuluyan sa kanyang pagtingin sa buhay.

Ang masasabi ko lamang ay kapos ang katapusan. Kung aking madudugtungan, nais kong makita ang pagtatapat ni Anton kay Lea. At nais kung tanggapin ni Lea si Anton, dahil gusto kong maipakita ang pagtanggap ni Lea sa bagong pag-ibig, isang tunay na maibibigay lamang ni Anton.

Ang moral ng kwento ay lubhang marami. Una, huwag kang susuko. Hindi ka dapat panghinaan ng loob sa kabila ng iyong mga kabiguan. Pangalawa, ay katapatan. Maging tapat ka sa iyong kilos, salita at gawa, sapagkat dito makikita ang tunay mong katangian. Panghuli, pagkamaunawain. Intindihin mo muna ang sitwasyon ng iba bago ang iyong sarili. Dahil kapag pinakinggan mo sila, ay tiyak na pakikinggan ka rin nila.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: