Maikling Kwento: Ang Maestro

Whew! After days of writing and thinking about new ideas, I was able to finish my own short story. The hardest part was brainstorming; I couldn’t think of any unique plot because it seemed like all aspects of life had already  been written with a story. I was able to think of three plots though; two of which didn’t work out well.

Ang Maestro

“Pak!”

Isang madagundong na tunog ang umalingawngaw sa apat na sulok ng silid-musika, nang biglang humagupit ang baton ng maestro sa pisara. Sinundan naman ito ng nakakabinging katahimikan, katahimikang nababalot ng takot na pumipigil sa sinumang umimik ni gumalaw sa kanilang mga upuan. Pumutok muli ang bulkan.

Si Ginoong Dan ang tanyag maestro at instruktor sa rondalla ng Mababang Paaralan ng Quezon. Ngunit ang talagang katangi-tangi sa kanya ay ang kanyang higpit, at mala batas-militar na pagtuturo. Bawal ang sabit na nota. Bawal ang sobrang tremulo. Bawal na mahina ang tambol. Bawal tumugtog ng wala sa tono. At higit sa lahat, bawal ang tamad.

Ngunit sa gitna ng kanyang maigsing pasensiya, hindi mo maipagkakaila na siya’y isang napakahusay na instruktor. Ni hindi na nga maalibukan ang mga trophies na nakadekorasyon sa silid-musika, na nauwi nila sa mga di-mabilang na patimpalak na kanilang sinalihan. At iyon ding araw na iyon ay naglabas siya ng bagong piyesang gagamitin nila sa sasalihan nilang bagong patimpalak rehiyonal na gaganapin naman sa Bulacan, anim na buwan mula ngayon. Ang pamagat ng piyesa ay, “Halina sa Belen”.

“Mali! Nag-ensayo ba kayo sa bahay? Masasayang lang ang ating panahon kung ganyan at ganyan ang mangyayari. Aba’y daig pa kayo ng kilala kong bata, walang instrumento, pero natuto.”

Higit sa lahat, ang pinakanatatangi niyang ugali ay tila kabaligtaran ng kanyang mainiting ulo. Mahilig siyang magkwento ng kanyang mga karanasan, pati storya ng ibang mga tao. Kaya naman nang nasasagap na nila ang nalalapit niyang pagkukwento, ay tila gumaan ang kanilang loob.

“Sino po ba talaga siya?”, ang tanong ng isa sa mga bata.

“Gusto ninyo talaga malaman kung sino siya? Sige ikukuwento ko sa inyo ng magkaron naman kayo ng inspirasyon sa pagtugtog. Ibaba ninyo muna ang inyong mga instrumento.”

Ang aking binabanggit ni bata ay si Ante, isang napakahirap na mag-aaral sa Mababang Paaralan ng Mabini. Nasa pinakamababang siyang seksyon, at kahit masipag mag-aral ay kadalasang bagsak sa mga pagsusulit dahil sa hindi siya maibili na kanyang mga magulang ng mga gamit sa pag-aaral: lapis, papel, kwaderno atbp. Luma na at tatag ang kanyang uniporme, at nakatsinelas na sira pa tuwing pumapasok sa paaralan. Wala siyang baong pera kundi ang kanyang pananghalian na kamatis at kanin.

“Ante! Reses na! Sama ka sa amin?”, ang yaya ng kanyang mga kaibigan.

“Wala akong pera eh. Kayo na lang”, ang laging sagot ni Ante.

Nauunawaan naman nila ang kanyang kalagayan. Bakit nga naman hindi? Siya ang ikawalo sa kanilang labindalawang magkakapatid, lahat binubuhay sa kanilang mahirap na pamumuhay. Ang kanyang ina ay labandera lamang at ang ama naman ay tagawalis lang ng kalsada. Alam man niyang walang pag-asa ang kanyang kinabukasan, pilit siyang nagtitiyaga sa mga kaalamang natutunan niya sa paaralan, naniniwalang balang araw din ay giginhawa sila; ang pangkaraniwang pangarap ng bawat mahirap na pamilya.

“Balang araw din… makakaahon kami sa hirap…”

Uwian na noon. Makikita mo ang mga kumpol ng mga batang sabik umuwi sa bahay, naglalakad palabas sa mga kaniya-kaniyang mga silid-aralan patungo sa labas. Ang iba’y naiwang magdilig ng mga halaman, magwalis ng labas at maglinis ng mga silid-aralan. Ang iba namay’y ayaw pang paawat sa kanilang paglalaro sa damuhan. Ngunit si Ante ay natapos na sa kaniyang mga gawain, at naisipang dumiretso na lang ng uwi. At habang naglalakad siya sa pasilyo ng gabaldon, ay nakarinig siya ng mahinang tugtugin.

“Ano kaya iyon? Ngayon ko lang yan narinig, ah. Saan kaya nanggagaling?”

Sinundan niya ng tahimik ang mga tunog at naparating sa silid-musika. Naghanap siya ng malapit ngunit tagong masisilipan sa loob, sapat upang makita at marinig niya lahat ang mga pangyayari.

“Masilip nga kung ano ang nasa loob…”

At sa kanyang lihim na pakikinig ay nalaman niya na iyon pala ang rondalla ng paaralan, at tuwing hapon ay magkakaroon ng praktis araw-araw.

“Rondalla… gusto ko sanang sumali…”

“…Ang bayad kada praktis ay trenta pesos, ang singilan ay pagkatapos ng praktis para walang gulo. At sa mga hindi pa bumibili ng instrumento, bumili na, maaring banduria, octavina, laud o gitara…”, ang sabi ng babaeng nagsasalita sa loob.

“Ay, sayang… siguradong hindi ako papayagin ng aking mga magulang dito. Ni wala nga kaming pambili ng mga gamit ko, eh. Pero gusto ko sana… Dito na lang siguro ako makikinig sa labas, malinaw naman at kita kahit papaano.”

At malungkot siyang nakutento sa pakikinig sa maliit na butas na iyon.

Napansin niya na puro baguhan ang mga miyembro, kaya naman ang maestro sa harapan ay nagtuturo ng pinakaunang mga kailangang matutunan, kung paano tumipa ng mga nota, hawakan ng tama ang instrumento, magtremulo atbp. Nakinig siyang maigi sa bawat ibinigkas nitong mga salita, wala mang instrumento, wala man mismo sa loob, ay unti-unti siyang natututo.

“Aba, kahit siguro narito lang ako, matututo na rin ako. Hindi ko pa kailangang magbayad!”

Naaliw siya sa pakikinig na hindi niya na napansin ang pagdilim ng paligid.

“Gabi na pala. Naku! Hahanapin ako sigurado ng aking mga magulang. Tapos na rin naman ang praktis. Hhmm… makaalis na nga.”

Malayu-layo rin ang kaniyang bahay. Kaya naman nagmadali na siyang umuwi, kumirapos ng takbo hanggang maabutan niya ang pinto. Naratnan niyang naghahapunan na ang kanyang pamilya.

“Mano po nay, mano po itay”, at nagmano siya sa kanyang nanay at tatay habang nilalahad nila ang kanilang mga kamay sa noo ni Ante.

“Bakit ata napagabi ka ngayon? Anong ginawa mo?”, ang tanong ng kanyang ama na tila hindi naman galit.

Naisip ni Ante na wala muna siyang pagsasabihan ng kanyang lihim, kaya naman siya ay nagsinungaling

“Ah! Inaya po ako ng aking mga kaklase na maglaro. Napatagal po kami, kaya ako ginabi,”, ang pagsisinungaling ni Ante.

“Sige, kumain ka na. Malamig na ang ulam”, ang naisagot ng kanyang mga magulang.

Kuntento sa dahilan ni Ante, nagpatuloy sila sa pagkain.

Pagkakain, ay ginawa niya na ang kanyang mga takdang-aralin malapit sa gasera, kumuha ng kapirasong papel kung saan niya iyon isusulat sapagkat hati-hati pa rin silang magkakapatid kahit sa papel. Maaga siyang natapos, kaya naman may naisip siyang gawin.

“Ang hirap namang matuto kung wala akong instrumento. Pero di naman ako makakabili… ”

Habang nag-iisip ay nakita niya ang mga di-gamit na dos por dos na kahoy at plywood. Nilapitan niya ito at dinampot.

“Bakit kaya hindi ko gawin itong instrumento pansamantala? Pwede rin! Yung dos por dos ang pinakabraso ng banduria at ang plywood and lapad o katawan. Gagawa rin ako ng pick.”

At nagsimula siyang maggawa at magmartilyo upang mapagkabit-kabit ang mga bahagi. Kininis niya ang mga gilid nito, minarkahan ang mga pagkakabahagi ng mga fret sa dos por dos at nang natapos na ay saka niya sinubukan. Wala mang strings ay nailalapat naman niya ang kanyang mga daliri sa mga tamang posisyon.

“Dito ang sol… la… ti… do… re… mi… fa… la… ti… do… “, ang kanyang sambit habang inililipat niya ang kanyang kamay sa tamang posisyon.

Sinubukan naman niyang gamitin ang pick. Hinawakan ito ng kanyang hinlalaki at hintuturo sa tamang higpit, saka pinakilos ang kanyang kamay na tila kumikiskis sa hangin, tulad ng itinuro ng maestro. Ikiniskis naman niya ang kanyang kamay na may pick sa kanyang palad, dahan-dahan sa una at saka bumilis ngunit magaan.

“Ah, talagang bukas pupunta uli ako sa praktis. Dadalin ko rin itong dos por dos para naman parang may sarili na rin akong instrumento.”

At araw-araw ngang dumalo ng lihim sa mga praktis si Ante, nakikinig sa kanyang taguan. Hindi niya alintana ang hirap ng kanyang ginagawa, basta ang alam niya ay masaya siya rito, kaya naman magpapatuloy siya sa gawaing ito.

Mga Oktubre na noon, kaya naman naglabas na ng piyesa ang maestro na siyang tutugtugin para sa nalalapit na Pasko. Nasabi na magtatanghal ang rondalla sa plasa ng kanilang bayan, kaya naman marapat lamang na sila ay makapaghanda.

At pagkaraan ng ilang lingo, ay nagkaroon ng pagsusulit sa pagtugtog ng piyesa. Isa-isang pinatugtog ang mga bata upang malaman ang kanilang kahandaan at kung nag-eensayo sila ng mabuti. Naiisip pa nga ng maestro na halos lahat ay handa na, ngunit kabaligtaran ng kanyang paniniwala ay kakaunti lamang ang nakakabisado, ang iba nga ay hindi pa rin matugtog. Dahil sa napapalapit na pagtatanghal at sa panghihinayang, ay nagalit ang maestro, sinermonan ang mga bata. Si Ante naman ay tahimik lamang sa kanyang taguan, hindi umiimik ng biglang…

“Aray!”, ang hiyaw ni Ante sa sakit.

Kinagat siya ng antik, at ito ang nagpasigaw sa kanya. Narinig iyon ng maestro, tiningnan ang pinanggalingan at saka lumabas. At nakita niya si Ante.

“Anong ginagawa mo rito?!”, ang galit na tanong ng maestro.

Sa sobrang takot at kaba ay walang naisambit si Ante, kundi ang kanyang panginginig ng kanyang katawan. Sa ilang buwan ding yaon ng kanyang lihim, ay saka ngayon pa naisumbulat.

Sa kabilang banda, nakita ng maestro ang kanyang hawak na mukhang-fret na dos por dos at pick, kaya naman nagkaroon siya ng hinala.

“Halika, kapag nagpapraktis ay hindi dapat sa labas. Dito dapat sa loob.”, at pinapasok siya ng maestro.

Nagulat si Ante sa reaksyon ng maestro. Hind ba siya galit? Pinapasok niya ako sa loob, hindi kaya may bayad na ang sesyon na ito? Ngunit ang tangi lamang nagagawa ni Ante ay ang sumunod patungo sa silid-musika.

“Matagal ka na sigurong naroon, nakikinig sa aking mga itinuturo?”, ang kalmadong tanong ng maestro.

Lalong kinabahan si Ante. Naku? Mukhang lalo lamang mabubunyag ang aking lihim? Anong gagawin ko? Ikinibit niya sa una ang kanyang balikat, ngunit sa huli rin ay napatango ang kanyang ulo.

“Kung gayon, marahil ay alam na alam mo na ang piyesa na ito?”, ang tanong ng maestro.

Walang naisambit na anumang salita si Ante.

“Marahil ay oo ang iyong sagot.”, ang pasubali ng maestro. Saka kinuha ang kanyang banduria at pick, at iniabot kay Ante.

“Tugtugin mo ngayon din ang piyesa sa harap ng aking klase. Kapag ikaw ay nagtagumpay, ibibili kita ng sarili mong banduria at pasasalihin sa rondalla na ito ng walang bayad. Kung ikaw naman ay mabigo, pagbabayarin kita sa mga kinuha mong libreng praktis. Nagkakaintindihan ba tayo? ”, ang mahigpit na tanong ng maestro.

Biglang kumabog ang dibdib ni Ante. Hindi siya makagalaw nang marinig niya ang mga salitang iyon. Anong klaseng kasunduan ito? Kung sakaling siya ay mabigo, saan siya hahanap ng pambayad? Ngunit, walang ngayong magagawa si Ante kundi ang tumugtog.

Kinuha niya ang inabot na instrumento at saka tinitigan at hinangaan ito ng sandali. Napakakinis, siguradong lagi itong pinupunasan at kinikinisan ng maestro. At ang kintab ng mga strings! Paniguradong lagi itong nilalangisan, Siguradong alagang-alaga at pinakaiingatan ito.

Ngunit kung sakaling magtatagumpay siya rito, maaaring magkaroon din siya ng banduriang kagaya nito. “Sariling instrumento… akin…”, ang kanyang naiisip. At sinimulan niyang tugtugin ang piyesa.

Lahat ay maiiging nakikinig sa tugtugin ni Ante. Ngunit hindi rin maiwasan na ang iba ay tila maiinggit at magtaka. Sino kaya ang mayabang na ito na nagmamarunong sa kanila? Bakit siya pinapasok ng maestro?

At noong natapos na ay walang pumapalakpak ni nagpuri sa kanya, sapagkat lahat ay napagilalas.

“Magaling! Hindi ko inaasahang magagawa mo siya, kung ako ang iyong tatanungin. Ngunit ako ay nangako nga sa iyo, at ikaw ay kasapi na rin ng rondalla na ito. Huwag kang mag-alala sapagkat walang sisingiling bayarin sa iyo. At bilang pangako ko rin, iyang hawak mong banduria at pick ay sa iyon na, sapagkat iyan ay bagong-bili lamang. Sige, tapos na ang sesyon. Bukas ay inaasahan ko na ang lahat ay makakatugtog na.”, ang sabi ng maestro.

Hindi makapaniwala si Ante na matutugtog niya ang piyesa. Hindi niya rin inaasahang mas gagaling siya sa mga miyembro nito, gayo’y nasa labas lang siya at nakikinig. Nais niyang humiyaw sa tuwa, ngunit pilit niyang ikinubli ang kanyang nararamdaman. At mayroon na rin siyang sariling banduria. Talagang hindi siya makapaniwala!

Biglang lumapit sa kanya ang maestro.

“Napakahusay mo. Ipagpatuloy mo lang ang iyong pagsisikap, at sinisigurado ko na malayo ang mararating mo.”, ang papuri sa kanya ng maestro.

Pag-uwi niya sa kanyang bahay ay sasabihin na niya ang kanyang lihim at susurpresahin niya sila sa kanyang bagong instrumento. Pagpasok sa loob ng bahay, agad na nanghinala ang kanyang ama sa kanyang kakaibang dala.

“Ano iyan Ante? Saan mo nakuha yan?”, ang tanong ng kanyang ama.

“Banduria po ito, isang instrumento ng rondalla. At kasapi na rin po ako ng rondalla ng paaralan naming.”, ang sagot ni Ante.

“Ante… wala tayong pambayad… matagal na naming sinabi sa iyo”, ang paliwanag ng kanyang ina.

At ipinaliwanag ni Ante ang lahat ng kanyang lihim tungkol sa rondalla at ang kanyang pagsisikap na makasali rito. Pagkatapos na maikwento niya ang lahat ng ito, ay nagsalita ang kanyang ina.

“Ante… hindi mo dapat ginawang magtago sa una pa lamang. At kung nabigo ka man, saan tayo hahanap ng pambayad…”

“…. Pero dahil ayos na ang lahat, hinahayaan ko na ang kagustuhan mo.”, ang napangiting sambit ng kanyang ina.

At pagkaraan ng ilang taon, nang magkokolehiyo na si Ante, ay nakakuha siya ng scholarship para sa kursong musika, dahil sa kanyang kahanga-hanggang galing sa pagtugtog ng banduria. Kumikita pa siya bilang kasapi ng rondalla ng Paco, kung saan sila ay tumutugtog sa iba’t ibang lugar at mahahalagang okasyon. At dahil dito ay napagtapos niya ang kanyang mga kapatid sa pag-aaral, at unti-unting nakaahon sa hirap ang kanilang pamilya. At ito ay dahil sa kanyang maestro, sa kanyang instrumento, at higit sa lahat dahil sa kanyang pagsisikap.

“At siya ay nakatayo ngayon sa inyong harapan.”, ang patuloy na kwento ni Ginoong Dan.

“Si Ante ay si Ginoong Dan? Kayo po pala iyon? Ang galing!”, ang paghanga ng mga bata sa kanya.

“Ang aking buong pangalan ay Dante, ang palayaw ko noong bata pa ako ay Ante, ngunit ginawa kong Dan, sapagkat mas magandang pakinggan.”

“At ang piyesang aking tinugtog dati na nagbigay daan sa akin ngayon ay ang piyesang inihain ko sa inyo, “Halina sa Belen.”

“…At hindi ko kailanman malilimutan ang aking maestro na siyang nagbukas ng oportunidad para sa akin, at higit sa lahat ang aking mga karanasan na nagtangay sa akin ngayon sa kaginhawaan…”

1 comment
  1. Aiiie, Bea, ang galing.😀 I liked it a lot…🙂 What’s nice about this is that it’s something based on your experiences, so we can trust everything here (except maybe the existence of Ante) is true.
    And by the way, good work on using the name Dante.😀 *wink*

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: