Maikling Kwento: Liwanag

My friend asked me to post her short story in my blog. The theme is sad, but still beautiful and meaningful.

Ang Liwanag

-Bangungot nanaman.

-Palagi na lang akong binabangungot dito sa madilim na kwartong ito. Binabangungot pag tulog, binabangungot pag gising.

-Ako ay isang taong walang pangalan. Di ko na matandaan kung kailan nawala ang aking pangalan, pero alam kong matagal na matagal na ako dito sa lugar na ito. Wala akong kaibigan, wala akong pamilya.

Uy, ano yan?

Ah, wala pala. Akala ko lang may kumislap doon sa may isang sulok.

Sulok- parang bulok. Katunog ng bulok. Hahaha. Hindi ba? Hindi ba?

Sinasabi nilang ako’y isang baliw. Sino sila, tanong mo? Ang sahig at ang pader ng kwarto ko. Alam mo, may plano silang patayin ako. Di ko alam kung bakit, pero gagawin nila.

Baliw ako, sabi mo? Ikaw rin, naniniwala sa kanila? Tama ba ang pagkarinig ko? Di bale. Wala akong pakialam sa iyo.

-Sa aking kwarto ay may isang maliit na linya ng liwanag sa kaliwang pader. Ito’y galing sa ilalim ng pinto, at minsan may mga anino sa pader ko kapag may naglalakad sa harap ng kwarto ko.

Pero baka nananaginip lang ako noon.

-Alam mo, ang liwanag, maraming pwedeng kahulugan. Sabi ng aking pader, siya’y simbolo ng kasiyahan. Sabi ng aking sahig, simbolo ng pag-asa. Sabi ng aking kama, simbolo ng Diyos sa kalangitan.

-Saya? Pag-asa? Diyos? Hahaha. Alam ko. Alam ko ang totoong ibig sabihin ng liwanag.

Ayun. Naalala ko na. Ang pangalan ko ay Purificacion, ang palayaw sa akin, Puring.

-Ang isang kahulugan ng liwanag- may tao sa labas. Kung may tao sa labas, kailangan manahimik lamang. Kung di ako magsalita, hindi nila ako papansinin, hindi ako kukunin ng mga doktor. At kung mabait na mabait ako, lalaki ang linya ng liwanag at may lalabas na pagkain.

Alam mo, dati akong mayaman. Oo, tama. Mayaman. Dati ako’y may isang daan, isang libong katulong na ginagawa ang lahat ng sabihin ko. Dati, ang aking mga perlas at ginto, kwintas at singsing, ay nakakapuno ng isang maliit na kwarto. Dati, nakatira ako sa isang mansyon, isang malaking mansyon na may malaking hardin, kasama ng aking pamilya.

Hahaha, mali pala ako kanina. Meron pala akong pamilya.

-Pwede rin palang sabihin na ang liwanag sa pader ko ay parang ang nakakasilaw na kislap ng ginto kapag ito’y nasa ilalim ng araw.

Tatlo lang kami sa pamilya ko. Ako, ang aking asawa, at ang aming anak na si Ricardo. Akala ng marami na kami ay isang perpektong pamilya, pero may sikreto ako noon. Dati, meron pa akong kasintahan, isang Hapon na ang pangalan ay Nakamura Tetsuya.

Si Tetsuya-san… Walang tatalo sa itsura niya. Aaminin ko, ang una kong nagustuhan sa kanya ay ang kanyang mukha. Pero habang lumipas ang panahon, lalong tumitindi ang pag-ibig na nararamdaman ko para sa kanya. Ngunit, dumating din ang panahon ng digmaan, at siya ay nawala sa akin.

-Ang liwanag ng araw naman ang siyang huli mong nakikita bago sakupin ng gabing madilim ang iyong mundo.

Hindi sa umalis siya ng bansa- siya mismo ang namuno sa mga tropang Hapon na kumuha sa bahay namin. Bigla silang dumating na parang multo sa gabi, walang nakarinig at walang nakakita- hanggang sa nadiskubre nila kami sa kwarto namin.

Agad-agad nilang kinuha si Ricardo, na noon ay 14 taong gulang lamang, at dinala siya sa kabilang kwarto. Hindi ko nakita kung anong nangyari sa kanila, ngunit naririnig ko ang kanyang mga sigaw at hikbi, pati ang tawa ng mga sundalo.

Tinakpan ko ang aking tenga habang tumulo ang luha ko. Wala akong lakas ng loob para sabihin sa kanila na lumayo sa anak ko- siguro kahit sinabi ko, pagtatawanan lang ako.

Pero ang asawa ko, may ibang plano.

Pakawalan ninyo ang anak ko! Pakawalan ninyo ang anak ko! Maawa na kayo! Sigaw niya sa mga sundalo. Nang wala silang ginawa, tumakbo siya papunta sa kabilang kwarto, pero hinuli siya ng mga gwardiya sa tabi ng pinto. Sa harap ko, sinaksak nila ng bayoneta ang katawan niya, patuloy na sinaksak hanggang wala nang makakakilala sa kanyang mukha na sobrang wasak na.

Binitawan nila ang katawan ng asawa ko, at lumapit sila sa akin, na puno ng dugo ang kanilang kamay at damit.

Nagmakaawa ako kay Tetsuya-san, lumuhod at lumuha sa harap niya. Maawa ka na, pinatay ninyo ang asawa ko, huwag mo na kaming saktan. Kunin niyo na yung bahay, yung pera, lahat na! Huwag niyo lang saktan pa ang aking anak, huwag niyo lang ako saktan. Mahal kita.

Nakita ko lang ang malamig na tingin ni Tetsuya-san sa akin habang binigay niya ang signal sa mga sundalo na pwede nilang gawin ang kahit anong gusto nila.

-Ang liwanag ay nakikita sa repleksyon ng apoy sa ngiti ni Satanas bago ka pumasok sa impiyerno.

Hindi ko na nakita muli si Ricardo o si Tetsuya-san habang ako ay ginamit na kasangkapan ng aliw ng mga sundalong Hapon sa bahay ng mga tinatawag na comfort women.

Hindi ko na alam kung paano ako nakarating dito, dito sa tinatawag na espesyal na ospital para sa mga taong katulad ko, pero alam ko na hindi ako normal na tao. May mga sandali na nakakaisip ako, nakakaalala ng mga pangyayari, tulad ngayon. Pero mawawala rin- mamaya, bukas, sa susunod na linggo, di ko alam kung kailan. Babalik ulit ako sa pakikipag-usap sa aking sahig, sa aking pader. Mababaliw nanaman ako.

Kaya ngayon, habang nakakaisip pa ako, ikukuwento ko ang aking buhay.

-Ang mundo ay puti at itim lamang, puti at itim na katulad ng pagkakaiba ng dilim ng kwarto sa linya ng liwanag sa aking pader.

Uy, ano yan?

Ah, wala pala. Akala ko lang may kumislap doon sa isang sulok.

Sinasabi nilang baliw ako. Sinong sila, tanong mo? Ang aking sahig at… Ano, hindi ka naniniwala sa kanila? Heh. Anong alam mo? Kisame ka lang.

-Ako ay isang taong walang pangalan. Di ko na matandaan kung kailan nawala ang aking pangalan, pero alam kong matagal na matagal na ako dito sa lugar na ito. Wala akong kaibigan, wala akong pamilya. Pero merong isang linya ng liwanag sa aking pader, isang linya na simbolo ng saya at pag-asa, isang paalala ng aking nasirang buhay na hindi mababalik sa dati.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: