Walang Ganito Sa Amerika

I wasn’t that satisfied with the last one so I made a longer and better one-act play. I hope I don’t have to do another one again. Well, I guess it’s okay.

MGA TAUHAN:

Tinay/Kristina: Balikbayan galing Amerika
Badong: nakatatandang kapatid na sumundo sa kanya
Konduktor
Tindero
Kamag-anak1
Mga kamag-anak at kapitbahay

TAGPUAN: Sa tabi ng bus station na punong puno ng mga taong naghihintay sa mga bus

PANGYAYARI: Balikbayan si Kristina galing Amerika, at sinundo siya ng kanyang nakatatandang kapatid na si Badong. Kasalukuyan sila ngayong nag-aabang sa bus, habang buhat-buhat nila ang mga bagahe’t maleta na uwi ni Kristina.

UNANG YUGTO

BADONG: Tinay, dito na lang tayo maghintay. Dito madalas humihinto ang mga bus patungong probinsya. Kaunting hintay na lang siguro, makakauwi na tayo sa Bataan.

KRISTINA: Kuya naman, you should stop calling me “Tinay”! Ang pangit pakinggan.
BADONG: Eh di ba palayaw mo na dati ang Tinay? Kaylaki na talaga ng pinagbago mo. Iba talaga ang mga balikbayan.

KRISTINA: At least ako, nagbago. Eh sa limang taon na pag-alis ako, ni walang pagbabagong nangyari dito sa Pilipinas. Doon, matino ang trapiko, nakapila ang mga tao sa bus station, walang mga kalat sa paligid, at on-schedule lagi ang mga bus. Hay! Pilipinas usod-pagong talaga… Walang ganito sa Amerika.

BADONG: Aba’y walang mangyayari sa pagrereklamo mo. (saka matatanaw niya ang paparating na bus) Oh eto na ang bus na Genesis, biyaheng Mariveles. Halika’t bilisan mo’t maraming makikipagsabayan.

KRISTINA: (binuhat muli ang maleta) Nasaan Kuya? (natanaw ang bus na Genesis) Heto?! (tumakbo na si Badong patungong bus) Teka Kuya! Wait for me! (tumakbo na rin patungong bus)

KONDUKTOR: Ah, tatayo na lang po’t wala nang bakanteng upuan. Pasensiya na.

BADONG: Ah, ayus lang. Papasok na kami. (kay Tinay) Tinay, pasok na tayo’t wala na tayong magagawa.

KRISTINA: (nagtataka) Ha? ah.. eh.. sige na nga. (pareho na silang pumasok sa loob ng bus sa likod.)

BADONG: Oh heto pala. May dalawa pang bakanteng upuan, dito tayo. (umupo sila’t ibinaba ang mga maleta’t bagahe)

KRISTINA: Hay salamat at nakaupo rin! (hahawak sa hawakan ng upuan) Yuck! Puro chewing gum na isinuksok sa gilid! At nginatngat pa! Kaylumang bus ito! Hindi pa nila palitan…

BADONG: Sayang naman kasi, basta gumagana pa gagamitin pa. Ganito talaga.

KRISTINA: Walang ganito sa Amerika! Ang mga bus doon, malinis, lahat ng tao nakaupo, at laging mukhang bago.

BADONG: Ikumpara ba naman? (papalapit ang konduktor)

KONDUKTOR: S’an ho kayo?

BADONG: Sa Tuyo, Lungsod ng Balanga.

KONDUKTOR: (binubutasan ang mga tiket) Heto na po. (iniabot ang mga tiket)

BADONG: (kinuha ang mga tiket at tiningnan) Ah.. (dumukot ng pera sa wallet) Heto. (iniabot sa konduktor ang pera)

KONDUKTOR: Maraming salamat. (kinuha ang bayad at pumunta sa ibang pasahero)

KRISTINA: De-puncher na tiket pa rin?

BADONG: Tapos sa Amerika, automated na?

KRISTINA: Pwede pang pa-book online! De-card na nga rin eh… See? Haay… Walang ganito sa Amerika

(makaraan isang oras)

KRISTINA: (nagising) Uhh… narito na ba tayo?

BADONG: Wala pa, pero nagbaba lang ng mga pasahero. (may papasok na nagtitinda ng chicharon)

TINDERO: (naglalakad patungo sa kanila) Chicharooon! Malutong, masarap, may suka pa! Trenta may laman! Chicharooon!

BADONG: Gusto mo ng Chicharon?

KRISTINA: Chicharon? Naku sobrang nakakataba at mamantika… At baka marumi ang pagkakagawa, alam mo naman, walang quality inspection yan.

BADONG: Anong walang quality inspection? Tinitingnan ng BFAD ‘yan.

KRISTINA: Bakit? May label ba? May nutrition facts ba? Eh ni list of ingredients nga wala eh. You can’t be sure na de-kalidad ‘yan kapag nilalako lang ng basta-basta. Walang ganito sa Amerika. Bawat produktong pagkain, paniguradong dumadaan sa masinsinang pagsusuri.

BADONG: (bumaba na ang nagtitinda ng chicharon) Hayan. Narinig ka yata nung tindero, bumaba tuloy.

KRISTINA: Hmph. Mabuti nga sa kanya. (saka biglang naging matagtag ang daan) Bakit biglang matagtag na ang daan? Ano toh, sirang kalsada?

BADONG: Ah, e di ibig sabihin eh malapit na tayo. Hindi pa kasi naisasaayos ang daan, hanggang ngayon bako-bako pa rin.

KRISTINA: Wala talagang ganito sa Amerika. Lahat ng daan doon, aspalto’t kay diretso. Kaysarap magbiyahe. Super!

BADONG: Eh, hindi gaanong nabibigyang pansin kasi ng gobyerno ang lugar na ito’t masyadong liblib. Pagpasensiyahan mo na at malapit na rin tayo.

KRISTINA: (saka gegewang dahil sa paliko-likong daan) Ay! Ano ba yan! Kay lala ng biyaheng ito! Pag-uwi ko, matutulog na kaagad ako.

BADONG: (tatanaw sa bintana) Ah! Narito na tayo, ihanda mo na iyang mga gamit na bibitbitin at bababa na tayo. (sa konduktor) Boss, para lang diyan sa unang kalye!

KRISTINA: (hihinto ang bus, bubuhating muli ang maleta) Salamat naman at narito na tayo! (si Badong ay bubuhat din ng mga bagahe, at silang pareho’y bababa ng bus)

(pagkababa ay biglang susulpot kay Tinay ang mga kamag-anak at kapitbahay niyang sumalubong sa kanya na kanina pa naghihintay)

KAMAG-ANAK1: One! Two! Three! (sinenyasan ang pulutong)

LAHAT: Maligayang pagbalik Tinay galing Amerika!!!

BADONG: (nangingiting tumingin kay Tinay) Walang ganito sa Amerika.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: